Lolo todas sa bangga ng motorsiklo

Isang 60-anyos na lolo ang nasawi, matapos itong masagasaan ng isang motorsiklo habang papatawid sa Barangay B.F., Parañaque City kamakalawa ng gabi.

Dead-on-arrival nang isugod sa Ospital ng Maynila ang biktima na nakilala lamang sa pangalang alias Dolping, walang permanenteng tirahan.

Naaresto naman ang suspek na si David Maglangit, 21, binata, nakatira sa no. 132 Balimbing St., Olivarez Compound, Barangay San Dionisio, ng lungsod na ito at nahaharap ngayon sa kasong reckless imprudence resulting in homicide.

Base sa imbestigasyon ni SPO4 Renan Dela Peña, naganap ang insidente dakong alas-10 ng gabi sa nabanggit na lugar.

Nabatid na habang minamaneho ni Maglangit ang kanyang motorsiklong Kawasaki na may plakang TP-3745 sa kahabaan ng Dr. Santos Avenue panulukan ng Irine Ville Subdivision mula sa Baclaran nang hindi nito napansin ang matandang biktima na tumatawid. Hindi na nakontrol pa ng suspek ang preno ng kanyang motorsiklo hanggang sa mahagip ang biktima na tumilapon naman ng ilang metro.

Dahil sa sobrang pagkakabagok ng kanyang ulo, mga pasa at sugat sa katawan, hindi na umabot pang buhay sa nasabing pagamutan ang matanda. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments