TV networks, babu na sa network war!

Nakakatuwa namang makita na nagsasama ang mga opisyal ng iba’t ibang TV network at media na hindi mo akalaing mangyayari noon.
Dumalo ang executives ng ALLTV at TV5 sa ABS-CBN para mapanood nang live ang pagsisimula ng Coco Martin’s Sigabo.
Susundan ito ng pag-ere ng Face to Face with Ate Koring ng TV5 sa Kapamilya Channel naman sa susunod na linggo. Ikinatuwa ito ni Coco Martin at nagpasalamat sa lahat. “Grateful kasi nandito lahat. Nagsama-sama, nagtulung-tulong. Kasi ang ibig sabihin nito, isinisigaw natin sa buong Pilipinas na dapat magtulung-tulong tayo at magsuportahan para dito,” sabi ni Coco.
Well, kakaiba rin talaga ang husay ni Coco sa pagkukuwento. Pati action stunts, ibang level na rin ang gawang Pinoy. Sabi nga ni Eric Tai na kasama sa cast, pang-world class ang action scenes. ‘Di lang ito ang pagsasama ng TV networks.
May collab din ang ABS-CBN at GMA sa teleserye gaya ng The Secrets of Hotel 88 at Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition.
Ang Eat Bulaga naman ng TV5 ay umeere rin sa RPTV. Pati ang government station na PTV ay makikipag-collab na rin sa ABS-CBN, GMA at TV5, ayon sa post ng bagong general manager na si Lino Cayetano.
Sa ibang bansa, matagal nang ginagawa ang ganitong setup. Halimbawa nito ang The Oprah Winfrey Show, na ginawa ng Harpo Productions para ipalabas sa iba’t ibang local TV stations sa Amerika. Kaya’t magandang nakikita na nagtutulungan ang lahat para sa ikabubuti ng industriya.
Sa rami ng kalabang palabas, kailangan talagang magsama-sama ang media o TV networks para mabuhay.
Ano kaya ang susunod na collab ng mga TV network?
Abangan na lang natin.
Sa panahon ngayon, ang tunay na laban ay hindi na network kontra network. Ang laban ay kung paano patuloy na ihahatid ang mga palabas sa mas maraming manonood.
Kaya suportahan ang sariling atin.
- Latest






















