Single mom na may anim anak, itinumba
MANILA, Philippines — Namatay noon din ang isang 36-anyos na babae nang ito ay malapitang pagbabarilin ng isang lalaki sa isang eskinita sa Brgy. Baesa, Quezon City, nitong Martes ng hapon.
Kinilala ang nasawing biktima na si alyas “Arriane”, 36, single mother, residente ng Sitio Pajo, Brgy. Baesa, Quezon City, habang ang suspek na tumakas ay kinilalang si alyas “Langlang”.
Sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD), bago naganap ang krimen, alas-5:55 ng hapon sa kanto ng Sitio Mendez at GK Pajo Sts., Brgy. Baesa, Quezon City ay nakita ng isang alyas “Fernando” ang suspek at malapitang barilin sa ulo ang biktima.
Agad tumakbo ang lalaki at nahagip din ng CCTV na nang-agaw ito ng motorsiklo na ginamit sa pagtakas na aksidenteng nalaglag ang kanyang baril malapit sa lugar ng insidente.
Sa salaysay naman ng hipag ng biktima na kumakain lamang ito sa tabi ng daan ng tusok-tusok at kausap ang lalaking suspek at ang kasunod ay putok ng baril.
Ayon pa sa hipag na anim ang naulilang anak ng biktima at wala na rin itong asawa.
Habang patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa motibo ng krimen at tinutugis ang nakatakas na gunman.
- Latest

















