Patay sa Mindanao magnitude 7.8 quake, pumalo na sa 45

MANILA, Philippines — Lumobo na sa 45 katao ang naitalang nasawi sa pagtama ng 7.8 magnitude na lindol sa Mindanao, ayon sa opisyal ng Office of Civil Defense (OCD) nitong Miyerkules.
“As of 6 a.m., 45 na ang casualties na recorded sa atin... Karamihan sa nadagdag dun sa patay ay mula sa Davao Occidental,” pahayag ni OCD Deputy Administrator Bernardo Rafaelito Alejandro IV.
Kabilang sa 45 nasawi, ayon sa opisyal ay mula sa Davao Region at Soccskargen, kung saan 18 dito ay sa Sarangani, 15 sa South Cotabato, 11 sa Davao Occidental at isa sa Davao del Sur.
Sinabi ni Bernardo tumaas din ang bilang ng mga nasawi sa 630 katao habang 17 pa ang nawawala at patuloy aniyang gumagalaw ang numero habang nadaragdagan ang mga report galing sa mga naapektuhang lugar.
Ang 7.8 magnitude ng lindol noong Hunyo 8 ay tumama sa baybayin ng bayan ng Maasim, Sarangani at iba pang mga kanugnog na lugar kung saan isa ang General Santos City sa pinakagrabeng naapektuhan. Ayon sa opisyal nagsasagawa na rin sila ng pag-validate sa 17 nawawalang katao, 13 dito ay mula sa Davao Occidental at apat sa General Santos City.
Sa update naman ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nasa 33,596 pamilya o 149,372 katao mula sa 184 Barangays sa Zamboanga Peninsula, Davao Region, Soccsksargen at Bangsamoro Autonomous Region (BARMM) sa Muslim Mindanao ang naapektuhan ng lindol.
Sa nasabing bilang, nasa 8,813 pamilya o 32,464 katao ang nasa 157 evacuation centers habang 1,804 pamilya na katumbas ng 8,973 katao ang nanuluyan sa kanilang mga kamag-anak at kaibigan.
- Latest

















