BARMM polls voter turnout, umabot sa 82%

MANILA, Philippines — Umabot sa 82% ang voter turnout sa kauna-unahang parliamentary elections na idinaos sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) nitong Lunes.
Ito ang iniulat ng Commission on Elections (Comelec) na may katumbas ng 1,984,331 botong natanggap mula sa 5,129 polling precincts, base sa central server na nagpapakita sa partial at unofficial election returns.
Sinabi ni Comelec Chairperson George Erwin Garcia na masaya sila sa naging voter turnout ng halalan na nagpapakita ng matatag na determinasyon ng mga botante sa rehiyon na makaboto.
“Kahit na may ilang karahasan, hindi nagpatinag ang mga kababayan natin sa Bangsamoro. Kahit na may nagkaroon ng putukan, talagang pagkatapos na dumiretso pa rin sila sa presinto at bumoto,” wika ng poll chief.
Una nang iniulat ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) na nakapagtala sila ng 16 election-related incidents.
Ipinagpatuloy naman ng Comelec ang pagdaraos ng botohan sa 36 presinto sa Maluso, Basilan na una nang naantala matapos na matuklasang pre-shaded na ang mga balota para doon.
- Latest



















