BARMM polls bombing, nasilat
MANILA, Philippines — Nasilat ang planong pagpapasabog upang mabulabog ang pagdaraos ng makasaysayang kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections (BPE) kasunod nang pagkakarekober ng isang improvised explosive device (IED) sa Lamitan City, Basilan nitong Lunes.
Sa ualt ng Lamitan City Police, ala-1:15 ng madaling araw nang marekober ang nasabing bomba sa isinagawang pagbabantay sa kapayapaan ng halalan ng mga tauhan ng Lamitan City Police at Army’s 112th Division ng Reconnaissance Company sa nasabing lungsod.
Ang bomba ay narekober ilang oras bago ang pagbubukas ng polling precints sa lungsod kung saan maaga pa lamang ay sumugod na ang mga botante para magpartisipa sa eleksiyon.
Agad namang nagsagawa ang Provincial Explosive Ordnance Disposal at Canine Unit personnel ng pag-detonate sa narekober na bomba, alas-3:30 ng madaling araw.
Ang narekober na IED ay may blasting cap, isang bar ng Trinitrotoluende (TNT), cellular phone keypad, 9 volt battery terminal, 3 inches ng konkretong pako, plastic receptacle, at mga wires na matagumpay na-detonate.
Nasa 248,244 ang mga rehistradong botante sa buong lalawigan ng Basilan na may pinakamalaking populasyon na saklaw ng BPE.
- Latest

















