Stags pinulutan ng Chiefs
MANILA, Philippines — Nang simulan ng Arellano University ang laro sa 10-0 ay hindi na nila nilingon pa ang San Sebastian College-Recoletos.
Nagkuwintas si veteran guard T-Mc Ongotan ng 23 points, anim na assists at tatlong steals para pangunahan ang Chiefs sa 98-72 pagdurog sa Stags sa NCAA Season 102 men’s basketball tournament kahapon sa Playtime FilOil Centre sa San Juan City.
“Kailangan ko talaga magpakita ng maturity, kaya mas kailangan ko pang makipag-communicate sa mga teammates ko,” ani Ongotan na umiskor ng 16 points sa first period.
Nagdagdag sina Basti Valencia at Renzo Abiera ng tig-12 markers para sa 1-0 record ng Arellano sa Group B, habang laglag ang San Sebastian sa 0-1 marka.
Pinuwersa ng Chiefs ang Stags sa 27 turnovers at nagposte ng 61-36 abante sa halftime.
Isang solo 7-0 run ang ginawa ni Ongotan para ibigay sa Arellano ang 53-30 bentahe sa huling 2:58 minuto ng third period.
Lalo pang nabaon ang Baste ni coach Rodney Santos, pumalit kay Rob Labagala sa bench, sa 55-84 matapos ang basket ni Valencia sa 6:20 minuto ng fourth quarter.
Mula rito ay hindi na nakalapit ang Stags na nakahugot kina JC Ynot at Matt Acosta ng tig-13 points.
Sa ikalawang laro, isinalpak ni Sean Salvador ang game-winning triple sa huling 2.9 segundo para sa 65-64 pagtakas ng Jose Rizal Heavy Bombers kontra sa Mapua Cardinals sa Group A.
Ang assist ni Lawence Mangubat ang nagbigay-daan sa nasabing tres ni Salvador para sa panalo ng Heavy Bombers.
- Latest
















