20 patay sa leptospirosis sa Bulacan

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan, Philippines — Umabot na sa 20 katao dito sa lalawigan ang patay dahil sa leptospiros, isang impeksyon na nakukuha sa ihi ng daga, kasabay ng patuloy na pagbaha sa ilang bahagi ng lalawigan dahil sa malalakas na pag-ulan dulot ng mga nagdaang bagyo at habagat.
Pagsapit ng Setyembre 5, kinumpirma ni Patricia Ann Alvaro-Castro, health education and promotion officer II ng Provincial Health Office (PHO) na umakyat na sa 394 ang suspected cases ng leptospirosis at 20 ang leptospirosis-related deaths sa lalawigan.
Ayon kay Castro, pawang mga lalaki ang mga nasawi at nagmula sa Hagonoy, Malolos, Bocaue at Marilao.
Batay sa tala ng PHO-Public Health (PH), higit doble ang bilang ng mga suspected leptospirosis cases ngayong taon kumpara sa 158 kaso na naitala sa kaparehong panahon ng nakaraang taon. Nagsimula ang kapansin-pansing pagtaas ng kaso ng leptospiros matapos ang Agosto 15 dahil sa mga pag-ulan at pagbaha.
Iniutos na ni Bulacan Gov. Daniel Fernando ang pagpapatupad ng mahigpit na mga hakbang upang mapigilan ang pagkalat ng leptospirosis at hindi na lumala ang sitwasyon.
- Latest

















