Gilas Boys maghahabol sa quarters
MANILA, Philippines — Determinado ang Gilas Pilipinas Boys na makapasok sa qualification patungo sa quarterfinal round ng 2026 FIBA U18 Asian Championships sa Veer Savarkar Indoor Stadium sa Ahmedabad, India.
Ngunit kailangang talunin ng mga Pinoy dribblers ang Thailand ngayong alas-4 ng hapon matapos ang salpukan ng nagdedepensang Australia at Chinese Taipei sa alas-2.
Ang top teams sa Group A, B, C at D pagkatapos ng preliminary stage ang aabante sa quarterfinals, habang ang second at third placers ang lalaro sa qualification para sa huling apat na quarterfinal spots.
Apat na tiket ang paglalabanan para sa FIBA U19 Basketball World Cup 2027 na nakatakda sa Hunyo 26 hanggang Hulyo 4 sa Pardubice, Czechia.
Nangunguna ang Australia sa Group A hawak ang 2-0 baraha kasunod ang Pilipinas (1-1), Chinese Taipei (1-1) at Thailand (0-2).
Matapos lusutan ang mga Taiwanese, 89-88, mula sa game-winning basket ni Ethan Aguas ay sumuko ang mga Pinoy cagers sa mga Aussies, 69-107.
Talo ang Thailand sa Australia, 32-102, at sa Chinese Taipei, 62-110.
Pinadapa na ng Gilas Boys ang Thailand sa group stage, 98-63, at sa finals, 85-70, ng nakaraang SEABA qualifier sa Krabi, Thailand.
- Latest


















