Ramos ‘di pa sure sa Asian Games

MANILA, Philippines — Posibleng hindi makalaro si Dwight Ramos para sa Gilas Pilipinas na sasabak sa 2026 Asian Games sa Nagoya, Japan sa Setyembre.
Ito ang inihayag ni Ramos sa isang ulat kung saan posibleng mabangasan ang Pinoy cagers na dedepensahan ang korona sa Asian Games.
Sinabi ni Ramos na schedule ang pangunahing dahilan lalo pa’t magkakasabay ang Asian Games at ang Japan B.League.
Nakatakdang magsimula ang Japan B.League sa huling bahagi ng Setyembre kaya’t tatama ito sa schedule ng Asian Games.
Babalik si Ramos sa Levanga Hokkaido matapos pumirma ng bagong kontrata.
Bahagi pa naman si Ramos ng Gilas Pilipinas pool na isinumite ng Philippine Olympic Committee (POC) sa Asian Games organizing committee.
Maliban kay Ramos, maglalaro rin sa Japan B.League sina Quentin Millora-Brown (Nagoya Diamond Dolphins) at Michael Phillips (Kyoto Hannaryz).
Walang basbas ng FIBA ang Asian Games kaya’t hindi ito kasama sa kalendaryo ng FIBA tournaments.
Karaniwan nang nagkakaroon ng break ang mga professional leagues sa tuwing may FIBA-sanctioned events para bigyan ng pagkakataon ang mga miyembro ng national team para maglaro sa kani-kanyang bansa.
Maglalaro rin sa Japan B.League sina Ray Parks (Ibaraki Robots), Kiefer Ravena (Ryukyu Golden Kings), Thirdy Ravena (Toyama Grouses), Jamie Malonzo (Earthfriends Tokyo) at Matthew Wright (Saitama Broncos).
Subalit hindi pa malinaw kung kasama sila sa Gilas pool sa Asian Games.
Inaasahang ilalabas ng Samahang Basketbol ng Pilipinas ang opisyal na lineup nito ilang araw bago magsimula ang Asian Games.
Nangunguna sa listahan si naturalized player Justin Brownlee
Nakatakdang ipagtanggol ng Gilas ang korona nito sa Asian Games na nakuha nito matapos patumbahin ang Jordan sa finals, 70-60, noong 2023 Hangzhou Games.
Kasama ni Brownlee sa naturang gold-medal team sina Chris Newsome, Kevin Alas, Scottie Thompson, Arvin Tolentino, Chriss Ross, Marcio Lassiter, June Mar Fajardo, CJ Perez, Calvin Oftana, Japeth Aguilar at Ange Kouame.
- Latest




















