‘Killer’ ng titser ng Ateneo de Naga, arestado!

Tattoo ng suspek nakunan ng CCTV
NAGA CITY, Camarines Sur, Philippines — Ilang oras lang matapos matagpuang patay ang guro ng Ateneo de Naga University Grade School sa loob ng bahay nito sa Deca Homes Viztanza, sa Brgy. Pacol ng lungsod na ito, agad naaresto kahapon ng mga pulis ang suspek sa Brgy. San Cirilo, Pasacao, Camarines Sur.
Nakakulong na at inihahanda ang patung-patong na kaso laban sa nahuling suspek na kinilala sa alyas na “Jason”, nasa hustong gulang, at residente ng naturang lugar dahil sa pagpatay sa guro na kinilalang si Liezel Permale, may live-in partner.
Sa panayam kay Captain Arnel Azaña ng Police Station 4 ng Naga City Police Office, naging madali ang kanilang imbestigasyon at paghuli sa suspek dahil sa tulong ng komunidad ng Brgy. Pacol na nagbigay ng mga kopya ng kanilang CCTV footages at sa mga nagturo sa kinaroonan ng suspek.
Nakumpirma rin ang pagkakakilanlan ng salarin dahil sa nakunan din ng CCTV camera sa bahay mismo ng biktima ang kamay ng suspek na may tattoo nang galawin nito ang CCTV.
Pasado alas-6 ng gabi ay nahagip din ng CCTV camera ang paglabas ni Jason sa bahay ng biktima bago natagpuang patay ang huli sa loob ng kanilang kuwarto na hubo’t hubad.
Sa pursuit operation ng mga pulis ay inabutan ang suspek sa kanilang barangay at agad itong inaresto. Lalo pang tumibay ang ebidensya laban sa suspek makaraang mabawi ng mga pulis sa posesyon nito ang cellphone, Iphone tablet, mga ATM cards at iba pang gamit na kinumpirma ng kinakasama na pag-aari ni Liezel.
Sa interogasyon sa salarin, inamin nito na pinatay niya ang guro sa pamamagitan ng pagtakip ng unan sa mukha hanggang sa hindi na makahinga.
Samantala, hinihintay pa ng pulisya ang resulta ng awtosiya sa bangkay ng babaeng guro upang mabatid kung nagahasa siya dahil hubo’t hubad siya nang madatnan ng rumespondeng mga pulis sa kanyang tahanan.
- Latest



















