Himala: Iniligtas ng Guardian Angel (Part 2)
Hindi ako puwedeng sumugod sa ulan. Bukod sa malakas ito, may kasama pang hangin. Tumataas na rin ang tubig sa kalsada.
Ipinasya kong sumilong sa waiting shed na aking nadaanan. Iyon ang tanging masisilungan sa lugar. Hindi rin naaabot ng baha ang shed dahil mas mataas kaysa kalsada. Madilim sa waiting shed dahil malayo sa poste ng ilaw.
Nakahinga ako nang maluwag nang makasilong sa shed. Patuloy naman sa pagbuhos ang ulan. Kumikidlat at kumukulog nang malakas. Patuloy din ang hangin. Wala namang inaanunsiyong bagyo pero biglang sumungit ang panahon.
Panatag ang loob ko sa shed kahit madilim pero biglang nawala nang dalawang lalaki ang biglang sumilong. Basambasa ang dalawa pero balewala. Halatang lasing ang dalawa. Hindi ko alam kung lasing sa alak o droga. Ngamol kung magsalita ang mga ito.
“Sabih ko sa’yo ‘tol, huwag munah tayong umalis, peroh mapilit kah!”
“Ayos lang ‘tol. Masarap ngang mabasa ng ulan, he-he-he!”
“Kulit mo kasih. Masarap pa sana dun sa pinanggalingan natin e nagyayah ka nang umalis. Ogag ka talagah.”
“Huwag ka nang manisih ‘tol. Parehas naman tayong ogag! Ha-ha!”
“Sigeh suwerte ngah tayoh, ‘tol. Dapat magpasalamat kah sa akin, ha-ha!”
“Bakit?”
“Me kasamah tayong tsik!”
“Tsik ba ‘yan?”
“Oo, ganda ngah e. Amputih.”
Tiningnan ako. Kahit madilim, nakita ko na mapula ang mga mata ng dalawa. Nag-iisip na ako ng paraan kung paano makakatakas sa dalawang addict.
(Itutuloy)
- Latest




















