Converge tumabla sa liderato sa Group A
MANILA, Philippines — Tinambakan ng Converge ang guest team Macau, 149-124, sa high-scoring game upang manatiling walang galos at makasosyo sa liderato ng Group A sa PBA Season 50 Governors’ Cup kahapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Maynila.
Sumagitsit ang FiberXers sa second half upang makalayo mula sa dikit lang na 67-61 bentahe tungo sa 25-puntos na tagumpay upang iangat ang kartada sa 3-0.
Trangko sa tambakan si ace center Justin Arana na tumabo ng career-high 39 points sahog pa ang 12 rebounds at 3 assists para sa FiberXers na nakasalo ang NLEX sa tuktok ng Group A.
Umayuda kay Arana sina Mikey Williams at Alec Stockton na may 16 at 15 points, ayon sa pagkakasunod, habang may tig-13 markers sina Justine Baltazar at Calvin Abueva.
May 11 at 10 points din na ambag sina MJ Garcia at Juan Gomez de Liaño, habang hindi na kinailangan pa ng Converge ang pagliyab ni import Jalen Hudson na nagtala ng 12 points, 5 rebounds at 3 assists.
“’Transition po ‘yung strength namin. Good thing, after ng huddle, nagising po ‘yung mga bata. So noong second half po namin, nandoon na ulit. Tumakbo na uli ‘yung mga bata,” ani Converge head coach Delta Pineda.
Sa katunayan ay naging mainit ang simula ng FiberXers, 26-7, subalit unti-unting hinabol ng Giant Pandas hanggang maagaw pa ang manibela sa 83-82 matapos ang lay-up ng import na si De’Vonde Perry.
Subalit doon na nagising ang Converge nang magpakawala ng 27-13 ratsada upang makontrola ng laro sa 109-96 papasok sa fourth quarter.
Kumamada si Ramon Cao ng 41 points para sa Macau at may 35 markers si Perry.
- Latest

















