Repeat offender timbog sa pagnanakaw sa diagnostic center

MANILA, Philippines — Laglag sa mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang repeat offender matapos mahuling nagnanakaw umano ng copper tubing mula sa air conditioning unit ng isang diagnostic center sa Quezon City.
Ayon kay La Loma Police Station 1 chief PLtCol Jose Luis Aguirre, ang suspek na si alyas “Jomar”, 39 at residente ng Brgy. Balon Bato, Quezon City. Nahaharap siya sa kasong attempted theft, trespassing, at malicious mischief.
Base sa imbestigasyon, namataan ng security guard ng diagnostic center sa A. Bonifacio Avenue corner Pag-asa St., Brgy. San Jose, ang suspek habang pinuputol ang copper tubing ng air conditioning unit sa ikalawang palapag ng gusali.
Agad na pinigil ng security guard ang suspek at humingi ng tulong sa nagpapatrolyang mga pulis ng La Loma Police Station 1. Narekober mula sa kanya ang isang naputol na copper tube na umano’y kinuha mula sa nasirang air conditioning unit.
Sinabi naman ni QCPD Director PBGen. Randy Glenn Silvio na lumitaw sa beripikasyon na may mga dati nang kaso ang suspek kabilang ang paglabag sa RA 9165, RA 9287, at PD 1602.
Dagdag pa ni Silvio, ang mabilis na aksyon ng security guard at mga pulis kaya nadakip ang suspek at tiniyak ang patuloy na kampanya laban sa mga repeat offender at kriminalidad.
- Latest




















