2 lalaki tiklo sa sukbit na baril

MANILA, Philippines — Dahil sa pag-iwas na mabasa ang ulo, isang lalaki ang arestado matapos lumutang ang itinatagong baril sa beywang nang gamiting pamandong sa ulo ang mga kamay, sa Las Piñas City, nitong Biyernes ng gabi.
Sa ulat ng Las Piñas City Police Station-Intelligence Section, dinakip si alyas “Eliver,” 32-anyos na tambay na nakuhanan ng hindi lisensyadong kalibre .38 na baril nang madaanan ng mga operatiba sa Basa Compound, Barangay Zapote, Las Piñas, alas-8:30 ng gabi ng Hulyo 10.
Sa tindi nang buhos ng ulan, napansin ng mga tauhan ng Las Piñas Police na nagsasagawa ng anti-criminality operation ang lumitaw na ‘mango’ o ulo ng kalibre .38 sa beywang ng suspek na naglalakad at nakatakip ang dalawang kamay sa ulo.
Samantala, isang alyas “Rolando,” 53-anyos na vendor ang namataan ng Taguig Intelligence operatives na may hawak na kalibre .45 baril habang nagsasagawa ng surveillance operations sa Barangay Western Bicutan.
Dakong alas-11:00 ng gabi ng Hulyo 10 nang arestuhin ang suspek sa Dayap St., Barangay Western Bicutan, Taguig City at dinisarmahan.
Narekober ang isang caliber .45 Colt Government Model pistol na may serial number 765227, isang magazine, at 3 bala.
- Latest


















