15 containers dinispose, collection target ng BOC sa Port of Subic nalagpasan

SUBIC BAY FREEPORT, Philippines — Matagumpay na naisagawa ng Bureau of Customs (BOC)-Port of Subic ang condemnation at tamang disposal ng 15 overstaying reefer containers na naglalaman ng nabubulok na karne, sibuyas, at iba pang agricultural products sa pangunguna ni District Collector Atty. Geniefelle P. Lagmay.
Ayon sa BOC-Port of Subic, ang mga abandonadong refrigerated containers ay maayos na isinailalim sa condemnation proceedings bago tuluyang itinapon sa awtorisadong waste treatment facility upang maiwasan ang posibleng panganib sa kalusugan ng publiko at sa kapaligiran.
Si Lagmay ang kauna-unahang District Collector mula noong 2016 na nakapagsagawa ng aktuwal na disposal ng mga abandonadong reefer containers na matagal na nananatili sa pantalan. Malaking ginhawa umano ito para sa mga stakeholder ng pantalan dahil nalinis ang mga overstaying containers na matagal nang itinuturing na suliranin sa loob ng Freeport.
Bukod sa paglilinis ng pantalan, nakapagtala ang Port of Subic ng P4.471 bilyong koleksyon noong Mayo 2026, na higit sa itinakdang target na P4.092 bilyon. Lumampas ito ng P378.71 milyon o 9.25 porsiyento sa target na itinakda ng pamahalaan.
Patunay umano na nananatiling epektibo ang pagpapatupad ng BOC sa pangongolekta ng kita, pagpapadali ng lehitimong kalakalan, at mahigpit na pagpapatupad ng mga batas sa customs habang tinutugunan ang mga matagal nang suliranin sa loob ng Port of Subic.
- Latest




















