Alapag, Road Warriors masusukat sa Macau
MANILA, Philippines — Ba-biyahe na ang bagong bihis na NLEX Road Warriors sa mando ni head coach Jimmy Alapag kontra sa guest team na Macau Giant Pandas para sa engrandeng pagbubukas ng PBA Season 50 Governors’ Cup ngayon sa Ynares Sports Arena sa Pasig.
Magku-krus ang landas ng Road Warriors at Giant Pandas sa main game ng double-header sa alas-7:30 ng gabi pagkatapos ng bakbakang Terrafirma at Titan Ultra sa alas-5:15 ng hapon.
Ito ang inaabangang pagbabalik ni Alapag sa PBA subalit sa pagkakataong ito ay bilang head coach na matapos ang makulay na karera para sa Talk ‘N Text at Meralco tampok ang 6 na kampeonato, 1 PBA Season MVP at 2 Finals MVP na mga parangal.
“New conference, new mindset. Coach Jimmy wants us to play with a chip on our shoulder,” anunsyo ng koponan sa pagsalubong nila kay Alapag matapos ang homecoming nito mula sa pagiging assistant coach ng Sacramento Kings sa G-League at sa NBA.
Ipaparada ni Alapag at ng Road Warriors ang pambatong import na si DeQuan Jones kasama ang palaban na local crew sa pangunguna ni Robert Bolick. Dati na nilang reinforcement si Jones noong Season 49.
Nagdagdag din ng piyesa si Alapag upang ipares kay Bolick sa katauhan ni Evan Nelle na nasikwat nila mula sa Phoenix kapalit ni Sydney Onwubere.
Subalit hindi pa rin magiging madali ang parada ng NLEX na inaasahang harangan ng Macau bitbit ang hangaring makaganti matapos mangulelat sa Commissioner’s Cup.
- Latest






















