Circus Crowd pinasiklaban mga karerista
MANILA, Philippines — Hinangaan ng mga karerista ang ipinakitang husay sa pagtakbo ng Circus Crowd matapos nitong sikwatin ang titulo sa 2026 PHILRACOM-PCSO “Silver Cup” Group I stakes race na nilarga sa pista ng Philippine Jockey Club sa Padre Garcia, Batangas, Linggo ng hapon.
Nakitaan ng galing ang Circus Crowd sa kaagahan ng karera kung saan ay pumuwesto lang muna sa pang-apat upang panoorin ang matutulin sa unahan na Istulen Ola at humahabol na Midnight Bell, nasa pangatlo ang Vinalot Eyu.
Papalapit ng far turn ay unti-unting umuusad ang Circus Crowd kung saan ay nasa pangalawang puwesto na ito habang kapit pa rin ng Istulen Ola ang bandera.
Pagsapit ng huling kurbada ay magkapanabayan na sa unahan ang Istulen Ola at Circus Crowd habang rumeremate sa kanilang likuran ang Jungkook sa karerang inisponsoran ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Naging matindi ang bakbakan sa rektahan dahil may lakas pa ang Istulen Ola subalit sa huling 100 metro ng karera ay tuluyan ng umungos ang Circus Crowd.
Ginabayan ni jockey Jommel Lazaro, tinawid ng Circus Crowd ang meta ng may apat na kabayo ang agwat sa pumangalawang Istulen Ola, tersero ang Jungkook habang pumang-apat ang Easy Does It.
Nirehistro ng Circus Crowd ang impresibong tiyempo na 1:48.6 minuto sa 1,800 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si Bianca Sevilla ang P2.4M premyo.
Kinubra ng Istulen Ola ang P800,000.
- Latest
















