5 mandurukot sa mall, nakorner

MANILA, Philippines — Limang notoryus na mandurukot na kinabibilangan ng dalawang babae na ang modus ay palibutan ang mga bibiktimahin saka dudukutan ang nasagip sa isang mall sa Quezon City, Linggo ng hapon, Hulyo 5.
Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director, PBGen Randy Glenn Silvio, ang mga suspek sa mga alyas na “William”, 22, at “Patricia”, na kapwa residente ng Brgy. Moonwalk, Parañaque City; “Elaine”, 34; residente ng Brgy. 422, Sampaloc, Maynila; “Celestino”, 39, ng Palatiw, Pasig City, at “Rosalie”, 41, ng Brgy. Salitran, Dasmariñas City, Cavite.
Sa ulat ni PLt. Col Aljun Belista, hepe ng Kamuning Police Station (PS 10), alas-10:00 ng umaga namimili ng damit ang biktima at ang kanyang ina sa Eton Centris Mall sa Brgy. Pinyahan, Quezon City, at nang magbabayad ay nawawala na umano ang wallet nito na naglalaman ng P9,000 cash, mga identification card, bank card, membership card, at iba pang personal na gamit.
Agad tumawag ang biktima sa mga bangko upang ipa-block ang kanyang mga card at maiwasan ang mga hindi awtorisadong transaksyon.
Habang patungo ang biktima sa PS 10 upang iulat ang insidente, nakatanggap siya ng tawag mula sa mga tauhan ng Project 6 Police Station (PS 15) na nag-aabisong narekober ang ilang card na nakapangalan sa kanya.
Lumabas sa imbestigasyon na hinuli ng mga security personnel sa isang S&R Shopping Mall sa Congressional Avenue ang mga suspek bandang alas-3:30 ng hapon ng nasabing araw, matapos nilang subukang gamitin ang mga card ng biktima.
Nahaharap muli ang mga suspek ng Theft sa ilalim ng Article 308 ng Revised Penal Code.
- Latest





















