‘Life’ sa 7 kidnapper ng 78-anyos na trader
MANILA, Philippines — Hinatulan ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 225 ng habambuhay na pagkabilanggo o reclusion perpetua ang pitong akusado sa pagdukot sa isang 78-anyos na negosyante noong Setyembre 2, 2025.
Sa desisyon ni Judge Maria Luisa Lesie Gonzales-Betic, napatunayang guilty ang pitong akusado, kabilang ang itinuturong “utak” ng krimen. Pinawalang sala naman ang apat pang akusado na umano’y nagsilbing aide at caretaker sa bahay na pinagkulungan sa biktima dahil sa kakulangan ng ebidensiya.
Batay sa rekord ng kaso, humingi ang mga suspek ng P150 milyong ransom sa pamilya ng biktima. Siyam na araw na ikinulong ang matanda sa Laurel, Batangas bago dinala sa isang bangko sa Quezon City noong Setyembre 11 upang mag-withdraw ng P8.1 milyon mula sa kanyang bank account.
Gayunman, nakipag-ugnayan na ang pamilya ng biktima sa mga awtoridad bago maisagawa ang transaksiyon. Dahil dito, nailigtas ang biktima sa isinagawang rescue operation ng Philippine National Police Anti-Carnapping Group sa bangko.
Tatlo sa mga suspek ang agad na naaresto sa operasyon, habang nadakip din kalaunan ang walo pa, kabilang ang dalawang dating miyembro ng Philippine Marines at isang dating sundalo.
Nagpasalamat ang Movement for Restoration of Peace and Order (MRPO) sa korte sa mabilis na pagresolba sa kaso sa loob lamang ng siyam na buwan.
- Latest






















