^

Punto Mo

EDITORYAL - Pigilan ang mali bago may mamatay

Pang-masa

NAILIBING na ang Ateneo player na si Rene Baterbonia noong isang araw. Wala namang balita kung naihatid na sa huling hantungan ang isa pang player na si Divine Adili, isang Nigerian. Nalunod ang dalawa sa isang team-building activity ng Ateneo men’s basketball team sa Aurora noong Hunyo 8, 2026.

Hindi simpleng trahedya ang pagkamatay ng dalawa. Maraming katanungan ang lumutang. Naghain na ng reklamong anti-hazing ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) laban sa dating Ateneo coach na si Tab Baldwin at iba pa. Mabigat ang mga tanong na kailangang sagutin: kailan nagiging panganib, pang-aabuso, o hazing ang tinatawag na training at team building?

Mahalagang idiin na reklamo pa lamang ito at kailangang dumaan sa tamang proseso. Hindi dapat mauna ang hatol sa social media. Ngunit hindi rin dapat gamitin ang due process para palabuin ang usapin. Dalawang kabataang estudyante ang namatay. Dalawang pamil­yang naghahanap ng malinaw na paliwanag ang naiwan. Hindi sapat ang apology. Kailangang may malinaw na pananagutan.

Ayon sa mga ulat, bahagi ng aktibidad ang matin­ding physical exercises at seawater training sa lugar na may panganib ng alon at rip current. Iginiit naman ng pamilya ni Adili na dapat may life jackets, professional divers, medical team at safety measures. Bakit isinagawa ang aktibidad sa dagat?

Dito pumapasok ang mas malawak na usapin. Madalas nating tingnan ang hazing bilang bugbog, palo, o fraternity initiation. Pero sa ilalim ng batas, maaaring pumasok sa hazing ang sapilitang physical activity, exposure sa delikadong kondisyon, o aktibidad na may kaugnayan sa pagpasok o pananatili sa isang organi­sasyon. Kung mapatutunayang ang activity ay bahagi ng pagpili kung sino ang makakasama sa final roster, hindi na ito basta team building. Maaari itong maging­ pagsubok sa katawan ng mga batang umaasang ma­natili sa koponan.

Hindi rin dapat kalimutan na student-athletes muna sila bago atleta. May pangarap, pamilya, scholarship, pressure sa coaches, at takot na mawalan ng puwesto. Tanong: Gaano ba kalaya ang isang player na tumanggi sa delikadong aktibidad?

Kaya tama lamang na kumilos ang mga awtoridad. Pero hindi dapat matapos sa imbestigasyon. Kailangang repasuhin ang lahat ng off-campus training at team-building activities ng mga paaralan: may risk assessment­ ba, medical clearance, lifeguards, emergency plan, written approval, at karapatan ang atleta na tumanggi?

Matagal nang may batas laban sa hazing, ngunit paulit-ulit pa rin ang trahedya dahil madalas nag-iiba lang ang pangalan nito: initiation, hell night, tradition, discipline, bonding, o training. Ang tunay na disiplina ay hindi sinusukat sa kung sino ang kayang tiisin ang panganib. Nasusukat ito sa tapang ng institusyon na pigilan ang mali bago may mamatay.

RENE BATERBONIA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with