Obiena tumalon ng ginto sa Poland

MANILA, Philippines — Hataw agad si EJ Obiena sa outdoor season nang angkinin nito ang gintong medalya sa Czeslaw Cybulski Memorial na ginanap sa Poznan, Poland.
Namayagpag ang two-time Olympian sa naturang event matapos mairehistro nito ang 5.72 metro para pataubin ang kanyang mga karibal.
Tinalo ni Obiena sina silver medalist Owen Heard ng Great Britain at bronze medlaist Matteo Oliveri ng Italy.
Parehong nagtala sina Heard at Oliveri ng 5.60m.
Ngunit nakaungos si Heard sa countback para masiguro ang pilak habang nagkasya sa tanso si Oliveri.
Nasa ikaapat si Piotr Lisek ng host Poland habang ikalima naman si Simen Guttormsen ng Norway.
Masaya si Obiena sa ipinamalas nito matapos ang ilang bigong pagtatangka sa kaniyang nakalipas na mga torneo.
“Happy with the progress,” ani Obiena sa kanyang post sa social media.
Matatandaang nagtapos sa ikawalong puwesto si Obiena sa Doha Leg ng Diamond League sa Qatar noong Hunyo kung saan nagtala ito ng masaklap na 5.42m.
“The height and numbers are yet to come but happy to come away with the gold here at Czeslaw Cybulski Memorial and thank you for having me. Onto the next,” ani Obiena.
Matikas ang ratsada ni Obiena sa Poland kung saan lumundag agad ito sa 5.40m na mabilis nitong nakuha sa kanyang unang pagtatangka.
Nalampasan din ni Obiena ang 5.60m sa kaniyang ikalawang attempt.
Nakuha naman ni Obiena ang winning mark na 5.72m sa kanyang ikalawang lundag.
- Latest




















