2 preso nakapuga sa Cavite jail
CAVITE , Philippines — Dalawang preso ng Cavite Provincial Jail sa Trece Martires City ang nakatakas sa kanilang selda nitong Sabado ng umaga.
Kinilala ng mga awtoridad ang mga pumuga na Persons Deprived of Liberty (PDL) na sina alyas “Darwin”, residente ng Kawit, Cavite at alyas “Leo”, ng Pasay City.
Ayon kay Provincial Warden Candelario Warllie R. Hermo, bandang alas-8:44 ng umaga ng Hunyo 27, nang maganap ang pagtakas ng dalawang PDL makaraang silang dumaan sa likod ng E-Hearing Room ng piitan.
Base sa kuha ng CCTV footage ng jail, huling nakitang naglalakad ang dalawang preso patungo sa kusina malapit sa E-Hearing Room bago tuluyang nawala.
Napag-alaman sa imbestigasyon na inakyat ng dalawa ang konkretong pader at sinira ang mga nakalagay na barbed wire sa itaas bago tumalon at tuluyang nakatakas.
Agad ikinasa ang malawakang manhunt operation ng Cavite Provincial Jail Recovery Team laban sa mga pugante.
Nagsasagawa na ng backtracking at forward-tracking sa mga CCTV ang mga intelligence operative ng pulisya upang matukoy ang tinahak na direksyon ng mga pugante.
- Latest
















