Don Julio kakasa sa Silver Cup
MANILA, Philippines — Magtatagisan ng bilis ang 13 de kalidad na kabayo sa magaganap na 2026 PHILRACOM - PCSO “Silver Cup” na ilalarga sa pista ng Philippine Jockey Club sa Padre Garcia, Batangas sa Hulyo 5.
Nagsaad ng pagsali ang reigning Philippine Sportswriters Association (PSA) - Horse of the Year awardee Don Julio na rehendahan ni jockey Ronald Baldonido.
May distansyang 1,800 meter race ang ibang naghayag ng paglahok ay ang Bashierrou, Circus Crowd, Easy Does It, Ghost, Istulen Ola, Jungkook, Midnight Bell, Pine Noveau, Primavera, Transform, Vinalot Eyu at War Cannon.
Posibleng magpakitang gilas ang mga kalahok na Midnight Bell, Vinalot Eyu, Ghost at Jungkook sa karerang inisponsoran ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Nakalaan ang P4-M guaranteed prize na ikakalat sa unang anim na kabayong tatawid sa meta sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM).
Makakatanggap ng P2.4-M ang mananalong kabayo, mapupunta sa pangalawa ang P800,000, kukubrahin ng pangatlo ang P400,000 habang P200,000, P120,000 at P80,000 ang fourth hanggang sixth placers, ayon sa pagkakasunod.
Magbubulsa rin ang breeder ng mananalong kabayo ng P200,000 habang P120,000 at P80,000 ang second at third.
- Latest















