Gold kay Carlos, bronze kay Eldrew

MANILA, Philippines — Inangkin ni Pinoy gymnast Carlos Edriel Yulo ang gintong medalya sa paboritong men’s floor exercise sa 2026 Asian Men’s Artistic Gymnastics Championships kahapon sa Zunyi, China.
Kumolekta si Yulo ng 14.700 points para patuloy na pamunuan ang nasabing apparatus simula noong 2022 edition sa Doha, Qatar.
Sapat na ang magandang 8.700 execution score at 6.0 difficulty score para makopo ng 2024 Paris Olympics double-gold medal winner ang gintong medalya.
Matagumpay na naidepensa ng 26-anyos na si Yulo ang kanyang korona sa Singapore noong 2023, sa Uzbekistan noong 2024 at sa South Korea noong 2025.
Nauna nang bumandera si Yulo sa qualification round sa kanyang 14.433, habang nakasama sa top eight ang kanyang kapatid na si Eldrew sa inilistang 13.600.
Si Shomi Tsukiyama ng Japan ang kumuha sa silver sa inilistang 14.600.
Ang 18-anyos na si Eldrew ang nagbulsa sa bronze medal sa itinalang 14.300 sa kanyang seniors debut.
Dalawang ginto sana ang nasikwat ni Yulo ngunit minalas siya sa finals ng individual all-around event matapos pumuwesto sa ikaapat na posisyon.
Pupuntirya ulit si Yulo ng ginto sa pagsabak niya sa finals ng parallel bars at horizontal bar finals.
Ang kanyang unang gold target ni Eldrew sa pagsalang niya sa horizontal bar.
- Latest
















