9th Eddys, pararangalan ang apat na icons

Apat na icons ng Philippine cinema ang muling pararangalan sa ika-siyam na edisyon ng The EDDYS ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd) na gaganapin sa Hulyo 5 sa Ceremonial Hall ng Marriott Hotel, Newport World Resorts.
Kabilang sa 2026 Movie Icon Awardee sina John Arcilla, Edgar Mortiz, Rio Locsin at Janice de Belen.
Muli ring ipagkakaloob ang Isah V. Red Award sa mga indibidwal na nagbibigay-inspirasyon at tumutulong sa kapwa Pilipino sa pamamagitan ng makabuluhang gawain habang ang Joe Quirino Award at Manny Pichel Award, ay muling kikilalanin ang mga natatanging miyembro ng entertainment media.
Tatanggap ng Isah V. Red Award ngayong taon ay ang corporate leader at pilantropo na si Chaye Cabal Revilla at ang aktor na si Donny Pangilinan. Si Chaye Cabal Revilla, Executive Director at Chief Finance, Risk and Sustainability Officer ng Metro Pacific Investments Corporation (MPIC), ay kinikilala bilang founding chair ng Gabay Guro, isa sa pinakamalaki at pinakamatagal na programa na ang adbokasiya ay edukasyon para sa mga guro sa bansa.
Ipagkakaloob naman kay Donny Pangilinan ang pagkilala matapos magkaroon ng inisyatibo na magbigay ng discount sa diesel sa kanilang family-owned gas station sa Cavite sa panahon ng krisis sa langis noong Marso.
Ang Joe Quirino Award ay ibibigay sa direktor at songwriter na si Joven Tan, na matagumpay na nakagawa ng pangalan mula sa entertainment journalism tungo sa paggawa ng pelikula.
Ang Manny Pichel Award ay ipagkakaloob sa television reporter na si Lhar Santiago bilang pagkilala sa kanyang ilang dekada nang kontribusyon sa entertainment journalism. Si Santiago ay nag-umpisang editor ng tabloid na Masa noong 1980s at nagsulat din ng entertainment column para sa The Manila Times.
“Ang Eddys ay taunang pagpaparangal sa mga patuloy na tumutulong sa paghubog ng pelikula sa bansa. Ang mga tumatanggap ng Movie Icon Award ngayong taon naman ay gumugol ng ilang dekada upang bigyang-buhay ang mga hindi malilimutang kuwento at karakter,” sabi ni SPEEd President Tessa Mauricio-Arriola.
“Ang aming mga special awardees, sa kabilang banda, ay gumawa ng makabuluhang kontribusyon sa loob at labas ng industriya ng entertainment. Sa pamamagitan ng mga pagkilalang ito, ipinagdiriwang namin ang kahusayan, serbisyo, at ang pangmatagalang epekto ng ginawa ng mga indibidwal na patuloy na nagbibigay-inspirasyon sa mga Pilipino,” dagdag niya.
Bukod sa mga espesyal na pagkilala, ang The Eddys ay magkakaloob ng 14 acting at technical awards na pinili mula sa mga pelikulang ipinalabas sa mga sinehan at sa mga digital platform noong 2025.
Itinatag noong 2015, ang SPEEd ay isang non-profit organization na binubuo ng entertainment editors mula sa mga national broadsheet, tabloid at mga online portal.
- Latest





















