Isko, pinaiinspeksiyon lahat ng paaralan at lumang gusali

MANILA, Philippines — Iniutos ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang inspeksyon sa lahat ng paaralan, lumang gusali, at mga gusaling pag-aari ng pamahalaang lungsod bilang bahagi ng paghahanda laban sa lindol at iba pang sakuna.
Ayon kay Domagoso, inatasan niya si Manila City Engineer Armando Andres na tiyakin ang kaligtasan ng mga istruktura sa harap ng banta ng tinatawag na “The Big One,” ang malakas na lindol na maaaring tumama sa Metro Manila.
Inatasan din ng alkalde ang Manila City Disaster Risk Reduction and Management Council (MCDRRMC) na makipag-ugnayan sa mga lugar na naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao, kabilang ang General Santos City at Sarangani Province, upang alamin kung kinakailangan ang tulong mula sa Maynila.
Binigyang-diin ni Domagoso na nakahanda ang lungsod na magbigay ng suporta sa mga naapektuhang komunidad bilang pakikiisa sa kapwa Pilipino.
- Latest
















