‘Cash delivery’ ng ex-Marines pinatatalupan ni Imee

MANILA, Philippines — Pinaiimbestigahan ni Sen. Imee Marcos ang umano’y money delivery scheme na kinasasangkutan ng mga dating military personnel na konektado umano kay dating Cong. Zaldy Co.
Layon ng Senate Resolution No. 317 ni Sen. Imee na silipin ang ulat na nagsasabing may kooperasyon ang ilang opisyal ng gobyerno sa International Criminal Court (ICC).
Sa isang press conference sa Club Filipino noong Martes, isiniwalat ng mga ex-Marines sa kanilang joint affidavit na naghatid sila ng pera sa bahay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Ilocos Norte mula noong 2022 hanggang 2025.
Ayon sa grupo, mahigit P805 bilyon umano ang kabuuang halagang naihatid kay Marcos, dating Speaker Martin Romualdez at iba pang politiko na kadalasang inilalagay sa mga maleta at paper bag.
Sinabi ni Marcos sa kanyang resolusyon na lubhang nakakaalarma at seryoso ang alegasyon na kung totoo ay lumalabas na hindi lamang nakipagtulungan ang gobyerno sa ICC kundi gumamit din ng illicit funds.
Samantala, nanawagan din si Marcos sa 18 dating military personnel na ilatag ng malinaw ang kanilang mga paratang at ilabas kung may ebidensiya.
Naniniwala rin si Marcos na titindigan ng 18 mga dating sundalo ang kanilang mga pahayag.
- Latest




















