Bagong impeachment vs VP Sara ikakasa sa Pebrero

MANILA, Philippines — Posibleng masampahan ng panibagong impeachment si Vice President Sara Duterte sa susunod na buwan ng Pebrero.
Ito ang sinabi ni House Committee on Public Accounts Chairman at Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon kahit hindi pa nareresolba ng Supreme Court (SC) ang apela ng Kamara laban sa desisyong ideklarang unconstitutional ang impeachment na inihain noong 2025.
Sa naunang desisyon ng SC noong Hulyo 2025, lumabag umano sa 1 year bar rule ang impeachment case kay VP Sara at maging ang karapatan niya sa due process.
Kabilang sa reklamo laban sa Bise Presidente ay ang tangka umanong assassination laban kay President Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Marcos at Speaker Martin Romualdez; malversation o hindi wastong paggasta ng P612.5 milyong halaga ng confidential funds; bribery at korapsyon sa DepEd noong ito pa ang kalihim; unexplained wealth na nakasaad sa Statement of Assets Liabilities and Net Worth (SALN) kung saan ang kanyang yaman ay tumaas ng apat na beses mula 2007 hanggang 2017; pagkakasangkot sa Extrajudicial Killings (EJKs) sa Davao City; destabilisasyon at iba pa.
Binigyang-diin pa ni Ridon na may sapat na ebidensya para umusad umano ang panibagong impeachment laban kay VP Sara.
Nabatid na magtatapos ang 1 year bar rule sa Pebrero 6, 2026.
- Latest



















