San Sebastian volleybelles sumosyo sa liderato
MANILA, Philippines - Sumandal ang San Sebastian College Lady Stags kay back-to-back MVP Gretchel Soltones upang magwagi kontra sa Mapua Institute of Technology, 25-13, 25-17, 25-13, kahapon para makisosyo sa liderato ng 92nd National Collegiate Athletic Association (NCAA) women’s volleyball tournament na ginanap sa Filoil Flying V Center sa San Juan City.
Si Soltones ay umani ng pitong hits habang sina Katherine Villegas ay umiskor ng siyam na puntos at walo kay Nikka Mariel Dalisay para sa ikalawang sunod na panalo ng Lady Stags.
Dahil sa kanilang panalo matapos ang 23-25, 26-28, 25-19, 25-18, 15-12 win laban sa Arellano noong nakaraang linggo, umangat ang San Sebastian sa three-way tie sa taas kasama ang College of St. Benilde at San Beda College.
Umiskor si Katrina Raceli ng walong puntos para sa Mapua Lady Cardinals na nakatikim sa kanilang ikalawang sunod na talo.
Sa men’s division, nanalo naman ang Mapua kontra sa San Sebastian, 25-19, 23-25, 25-22, 25-21 upang umangat sa itaas ng standing kasama ang San Beda sa parehong 2-0 win-loss slate.
Humataw si Angelo Jose Pertierra ng 17 para sa Cardinals at 13 mula kay Raven Evangelista habang si Alfredo Pagulong ay tumulong din ng 12 puntos
Sa juniors’ division, nagwagi ang reigning titlist University of Perpetual Help laban sa San Beda, 25-16, 25-14, 25-12 para solohin ang liderato sa 2-0 (win-loss) card.
- Latest
















