Pekeng doktor arestado sa alok na ‘bolitas’

MANILA, Philippines — Arestado ang isang babaeng nagpapanggap na doktor nang salakayin ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang hotel room na nirentahan para sa operasyon ng pagpapalaki ng ari, sa Parañaque City, iniulat nitong Biyernes.
Ayon kay NBI spokesperson Atty. Palmer Mallari, hepe ng Fraud and Financial Crimes Division, nag-ugat ang operasyon sa reklamo ng mag-asawa matapos pagdudahan ang nagpakilalang doktor na isasagawa ang enlargement procedures sa isang hotel room, sa halip na klinika o ospital.
Dahil sa reklamo, ikinasa ang entrapment operation noong Hulyo 28, sa mismong iskedyul na ibinigay ng suspek, para sa pagpapalaki ng ari ng lalaki.
Nakilala lang umano ang suspek matapos irekomenda ng mga kakilala at kaibigan na mga dating kustomer kaya agad na nagbigay ng non-refundable deposit na P2,000.00 ang mag-asawa nang magkasundo sa halagang P25,000 sa halip na P50,000 kabuuang bayarin sa enlargement procedures.
Sa aktong nakasuot na ng laboratory gown na puti at nakahanda na ang mga normal na kagamitan sa isasagawang procedures, pinasok ng mga ahente ng NBI ang silid ng isang hotel.
Natuklasan ng NBI na bukod sa alok na injectable fillers para palakihin ang ari ng lalaki, nag-aalok din ng paglalagay ng bolitas sa mismong ari ng lalaki para sa enhancement ng pakikipagtalik at iba pang non-genital medical procedures.
Bago ang entrapment operation, naberipika sa Professional Regulation Commission (PRC) na hindi lisensyadong doktor ang suspek.
Nagbabala rin si Mallari sa publiko na malaking banta sa kalusugan ang pagpatol sa mura at unregulated medical procedures.
Nahaharap na ang suspek sa reklamong paglabag sa illegal practice of medicine sa ilalim ng Medical Act of 1959.
- Latest
















