Apoy sa Balsa (50)
“PERO teka nga, paano mo ako nasundan at nakaakyat dito sa floor ko?” nagtatakang tanong ni Rhea matapos malaman na hindi pala stalker ang sumusunod sa kanya kundi ang boyfriend niyang si Kael
Dahan-dahang yumuko si Kael, pinulot ang plastik ng grocery at ang bag ni Rhea. Inalis niya ang susi sa bulsa at itinuro ang pinto ng katapat na unit.
“Kasi...” malambing at mababang wika ni Kael habang nakatitig sa mga mata ng dalaga. “Ako na ang bago mong kapitbahay. Nirentahan ko ‘tong unit para hindi ka na matakot sa dating nakatira rito... at para hindi na natin kailangang magtago kapag gusto kitang makasama.”
Napatigil si Rhea. Ang galit at takot sa kaniyang dibdib ay tuluyang natunaw, pinalitan ng isang excitement at walang kapantay na saya.
Tinitigan niya si Kael, ang lalaking kayang gawin ang lahat para lang makatabi siya at maprotektahan siya.
Mabilis na humakbang si Rhea palapit at mahigpit na niyakap ang leeg ng binata sa gitna ng hallway. Natawa nang mahina si Kael at isinara ang kanyang mga braso sa baywang ng dalaga, inilulubog ang mukha sa balikat nito.
“Loko ka talaga...” bulong ni Rhea, habang nakasandal ang mukha sa dibdib ni Kael, nag-uumpisang tumulo ang luha sa labis na relief. “Pinatay mo ako sa takot.”
“Sorry, akala ko kasi matutuwa ka sa surprise ko.” natatawang bulong ni Kael habang hinahalikan ang ibabaw ng ulo ng dalaga. (Itutuloy)
- Latest

















