DOE: Krudo sisirit ‘pag binarahan Red Sea

Magagaya sa Strait of Hormuz
MANILA, Philippines — Posibleng muling tumaas ang presyo ng gasolina at diesel bunsod ng tumitinding tensyon sa pagitan ng Houthi movement ng Yemen at Saudi Arabia sa Red Sea, ayon kay Department of Energy-Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad nitong Biyernes.
Nilinaw naman ni Abad na wala pang napapaulat na pinsala sa Petroline o East-West oil pipeline ng Saudi Arabia. Gayunman, sakaling masira ito, maaapektuhan ang biyahe ng tinatayang 6 hanggang 7 milyong bariles ng krudo kada araw.
“Ngayon, nakabalik lang tayo sa P80 to P90 range. Pero itong sustained na pangamba ay hindi na lang sa Strait of Hormuz. Meron nang emerging na pangamba dito sa Red Sea,” pahayag ni Abad sa Super Radyo dzBB.
Aniya, kung magkaroon ng pinsala sa pipeline, maaaring lumampas pa sa P80 hanggang P90 ang presyo ng petrolyo.
Batay sa mga ulat, sinabi ni Yemeni Foreign Minister-designate Afrah Al-Zouba na ginagaya ng Houthi sa Red Sea ang taktika ng Iran sa Strait of Hormuz—ang pagharang sa mga barko sa Bab el-Mandeb. Sa kasalukuyan, nagpapaputok na ng missile at drone ang Houthi laban sa Saudi Arabia at nagdeklara pa ng blockade sa mga barko ng Saudi. Gumaganti naman ang Saudi Arabia ng airstrikes sa mga pasilidad ng Houthi.
“Game changer uli yan. Kaya nasa P80 to P90 lang tayo ngayon. Pero kapag nasira yang Petroline, apektado ang 6 hanggang 7 milyong bariles na langis na inilalabas ng Saudi araw-araw,” ani Abad.
Ayon sa DOE, may sapat pang suplay ng langis sa bansa na tatagal ng 45 araw.
- Latest






















