NBI exec sasalang sa Sara trial

Nag-imbestiga sa ‘kill threat’ vs Pangulong Marcos
MANILA, Philippines —Ihaharap na ng House prosecution panel ang susunod nilang testigo kaugnay sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa umano’y banta ni Vice President Sara Duterte laban sa Pangulo at ilang opisyal ng gobyerno.
Ayon kay House prosecution spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, si Atty. Jeremy Lotoc, regional director ng NBI-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, ang nakatakdang tumestigo sa pagpapatuloy ng Senate impeachment trial ngayong Lunes.
“Si Mr. Calilung, siya ’yung nag-authenticate nitong video na ito. Si Atty. Lotoc, siya ang magbibigay sa atin ng resulta kung anuman po ’yung naging imbestigasyon nila,” ani Adiong.
Sa panayam sa radyo, sinabi ni Adiong na ang testimonya ni Lotoc ay magpapatuloy sa naunang ebidensiya ni NBI Senior Agent John Mark Calilung, na nag-authenticate ng video recordings at digital files kaugnay sa pahayag ni Duterte noong Nobyembre 23, 2024. Sa naturang video, binanggit umano ng Bise Presidente na nagkontrata siya ng hitman para patayin sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating Speaker Martin Romualdez kung siya mismo ay mapatay.
Dagdag ni Adiong, si Lotoc ang magbibigay ng resulta ng mismong imbestigasyon ng NBI hinggil sa naturang banta. Gayunman, tumanggi siyang ilahad ang detalye dahil sa umiiral na sub judice rule.
Ipinaubaya na ng House panel sa Senado ang pagdinig sa testimonya ni Lotoc, bilang bahagi ng pagpapatuloy ng presentasyon ng ebidensiya laban kay VP Duterte sa kasong impeachment na nakasentro sa umano’y grave threats na kanyang binitiwan sa online press briefing noong Nobyembre 23, 2024.
- Latest


















