Gilas wagi sa Manawatu Jets

MANILA, Philippines — Magilas na local crew ang nagpasiklab para sa Gilas Pilipinas nang tambakan nito ang Property Brokers Manawatu Jets sa unang tune-up game nila, 90-61, kahapon sa Fly Palmy Arena sa New Zealand.
Hindi naglaro si naturalized player Justin Brownlee upang magpahinga muna subalit halos hindi ito ininda ng Nationals tungo sa kumbinsidong 29-puntos na tagumpay kontra sa pambato ng National Basketball League (NBL) ng New Zealand.
Sunod na kikilatis sa Gilas sa makalawa ang isa pang NBL team na Franklin Bulls Franklin Pool and Leisure Center para sa pinaigting nitong paghahanda mula sa training camp sa Brisbane, Australia.
Umaasa si Gilas head coach Tim Cone na makakatulong ang pares ng friendly games sa mga solidong NBL teams upang ihanda sila sa krusyal na ikatlong window ng 2027 FIBA World Cup Asian Qualifiers.
Dadayo ang Gilas sa Auckland kontra sa New Zealand sa Hulyo 3 bago harapin ang Australia sa Perth sa Hulyo 6.
Taob ang Gilas kontra sa NZ at Australia, 69-66, 93-66, ayon sa pagkakasunod, sa 2nd window na ginanap sa MOA Arena.
May 2-2 marka ang Gilas para sa tersera puwesto sa Group A at may sigurado nang ticket sa susunod na round subalit kailangan pa ng dagdag na panalo dahil sa carry over format sa 2nd round kontra sa Jordan, Iran at Syria ng Group C.
Subalit solido ang local crew ng Nationals sa pangunguna ni Kevin Quiambao na kumamada ng 13 puntos may ambag ding 12 at 11 puntos sina Carl Tamayo at Troy Rosario, ayon sa pagkakasunod.
Umayuda sa kanila sina Juan Gomez De Liaño at Dwight Ramos na may 9 at 8 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Ito ang unang parada sa Gilas nina Phillips na pinagpag ang ankle sprain injury kasama sina Baltazar at Rosario bilang kapalit nina Kai Sotto, Quentin Millora-Brown at Calvin Oftana. Si De Liaño naman ang pumalit kay Scottie Thompson bagama’t nakalaro na noong 2nd window.
- Latest





















