Vandolph, gustong bigyan ng maayos na buhay ang mga anak!

Simula ngayong araw ay mapapanood na sa mga sinehan ang Home Along Da Riles: Da Reunion na pinagbibidahan nina Claudine Barretto, Vandolph, Boy 2 Quizon, Maybelyn dela Cruz, Smokey Manaloto, Gio Alvarez, Cita Astals, Dang Cruz at Nova Villa.
Taong 1992 nang unang mapanood sa ABS-CBN ang Home Along Da Riles na pinagbidahan ni Dolphy. Ayon kay Vandolph ay talagang mararamdaman ang kahalagahan ng bawat pamilya sa bagong pelikula. “Of course, hindi mawawala sa Home Along Da Riles ang values, family. Ang baon n’yo dito ‘yung memories of your mga mahal sa buhay na have passed, na nawala na, na nagbigay ng malaking bagay sa buhay n’yo kung paano kayo ngayon. At the same time may konting drama, sana po suportahan natin,” nakangiting pahayag sa amin ni Vandolph sa Fast Talk with Boy Abunda.
Anak ni Dolphy si Vandolph sa aktres na si Alma Moreno. Talagang nakasama ng aktor ang ama habang lumalaki kaya maraming natutunan mula sa pumanaw na Comedy King. “Of course I grew up with my dad ever since. Pero sa Home, ‘yon ‘yung stage ko na malikot, kapag behind the cam, naninira ng set. Of course, my dad always talks to me behind the cameras. Kahit in front of the people, in the dressing room na, ‘Ano ba?’ Hanggang sa ngayon dala-dala ko ‘yon, ‘di ba? So, do’n ako nahasa. Kasi I grew up watching him, mga movies niya, kung paano siya sa mga anak niya, kung paano siya sa buhay niya. Pero ang pinaka-number one talagang itinuro sa akin ng tatay ko, humility. Always keep your feet on the ground kahit saan ka mapunta,” pagbabahagi ng dating child star.
Samantala, magda-20 taon nang kasal sina Vandolph at Jenny Salimao. Nabiyayaan ng dalawang anak ang mag-asawa. Aminado si Vandolph na mayroon din silang mga hindi napagkakaunawaan ng misis. “We were married in 2007. Kaming mag-asawa, roller coaster, pero ang namamayani, pagmamahalan eh, respeto sa bawat isa. Ang maganda, natututunan ko siyang mahalin sa araw-araw. And I choose to love her more everyday. Kasi Kuya Boy, kapag may nagawa akong pagkakamali, tapos makikita ko siyang gano’n, parang ayaw kong mapagdaanan niya ulit. Umiyak siya ulit, magalit siya ulit, so iibahin mo, ‘di ba?
“Kasi lahat tayong mga lalaki, tandaan n’yo, hindi tayo mabubuhay kung wala ‘yung mga mahal natin sa buhay. Kumbaga ‘yan ang powers natin. Ako, hirap akong magtrabaho sa city council, I was a City Councilor for nine years. Kapag medyo meron kaming diskusyon no’ng gabi, sa umaga papasok ako sa city hall or iikot ako sa constituents. Ang hirap ng mundo ko kasi mas iniisip ko siya, kung paano ako babawi. Pero ngayon God gave us two kids, Vito and Quira. Vito, nag-aartista sa Viva and Quira medyo outside the camera, more on school and music. So ang sarap lang magkaroon ng stable... Kasi as a father gusto mong magtrabaho more for your family. Kasi dinarasal ko nga palagi para sa mga anak ko, I want to give my kids a better life than I have,” makahulugang pagdedetalye ng aktor. — Reports from JCC
- Latest

























