Pag-ibig dinala rin ng baha
Dear Dr. Love,
Ako po si Dave. Mahalaga sa akin ang kuwento ko dahil hindi ko akalain na sa isang hindi magandang pangyayari magsisimula ang isang magandang damdamin.
Noong araw na bumaha nang malakas sa aming lugar, halos lahat ay nagkagulo.
Maraming tao na kailangang tumawid, sumakay sa mataas na lugar at magtulungan para makaiwas sa baha.
Doon ko nakilala nang mas malalim si Mia, isang kaibigan na dati ko lang binabati kapag nagkikita kami.
Dahil parehong na-stranded, nagkasama kami nang ilang oras. Nagkuwentuhan kami tungkol sa pamilya, trabaho, pangarap at maging sa mga problema namin sa buhay.
Habang tumatagal ang aming pag-uusap, napansin kong iba na ang saya na nararamdaman ko kapag kasama ko siya.
Nang humupa ang baha at makauwi na kami, roon ko napagtanto na may nabuo palang kakaibang pagkagusto sa pagitan namin.
Ang nakakatawa, dahil sa baha na nagdala ng problema sa maraming tao, parang may magandang bagay namang dumating sa a-ming dalawa.
Hindi ko alam kung tama bang tawagin itong pag-ibig, pero alam kong mula noon ay mas hinahanap-hanap ko na ang kanyang presensya.
Dr. Love, posible kayang sa gitna ng baha ay may pag-ibig ding inanod papunta sa tamang tao?
Dave
Dear Dave,
Minsan, ang buhay ay may kakaibang paraan nang pagpapakilala sa atin sa taong hindi natin inaasahan.
Maaaring baha ang naging dahilan ng inyong pagkikita, pero hindi ibig sabihin na kailangan ninyong madaliin ang damdaming nabuo.
Kilalanin ninyo muna ang isa’t isa. Alamin kung ang nararamdaman ninyo ay bunga lamang ng isang kakaibang sitwasyon o isang damdaming patuloy na lalalim kahit wala na ang baha.
Kung pareho ka-yong malaya at seryoso, huwag matakot na bigyan ng pagkakataon ang inyong pagkakaibigan.
Dahil kung minsan, sa gitna ng unos, doon natin nakikita kung sino ang taong handang manatili sa tabi natin. Kaya huwag nang magsa-yang ng pagkakataon. Sulitin mo ang bawat araw para makilala pa siya nang husto, at matiyak mo kung “siya” na nga.
DR. LOVE
- Latest
















