DepEd may 115 surveillance ops, walang listahan — COA

MANILA, Philippines — Isiniwalat ng Commission on Audit (COA) na nagsagawa umano ng 115 surveillance operations ang Department of Education (DepEd) sa panahon ng panunungkulan ni Vice President Sara Duterte bilang Kalihim ng ahensiya, ngunit walang naisumiteng listahan ng mga lugar na tinukoy.
Sa pagpapatuloy ng ika-12 araw ng impeachment trial, sinabi ni COA Auditor Roderick Wamil na nakasaad sa accomplishment report ng DepEd mula Pebrero 20 hanggang Marso 30, 2023 ang paggamit ng confidential fund, kabilang sa mga exhibits na pinagkasunduan ng prosecution at defense panel.
Batay sa ulat, P37.5 milyon ang inilaan para sa counterinsurgency, pagpigil sa pang-aabuso sa recruitment ng New People’s Army sa mga eskuwelahan, anti-illegal activities operations, at anti-extremism at terrorism programs.
Sa counterinsurgency, nakasaad ang P2.47 milyon para sa pagbili ng impormasyon, P2 milyon sa reward payments, P2.805 milyon sa supplies, at P2.1 milyon sa insentibo sa biyahe kaugnay ng confidential operations — kabuuang P9.375 milyon.
Gayunman, bagama’t iniulat na natapos ang 115 surveillance operations, walang nakatalang partikular na lugar sa report na isinumite sa COA. Bukod pa rito, P10 milyon ang inilaan para sa pagpigil sa illegal activities sa mga eskuwelahan sa ilalim ng anti-extremism at terrorism campaign.
Idinagdag pa ni Wamil na kabilang sa reward payments ang P2 milyon para sa counterinsurgency, P2.13 milyon para sa pagsawata ng pang-aabuso, P1.5 milyon para sa anti-illegal operations, at P1.8 milyon para sa anti-extremism at terrorism.
- Latest






















