Manhid ang boyfriend
Dear Dr. Love,
Pagod na pagod na ako. Matagal ko nang sinusubukang iligtas ang isang relasyon na paulit-ulit akong hinihila pababa.
May mga araw na ramdam kong mahal ako, pero may mga araw din na parang ako lang ang lumalaban. Madalas pa nga akong nanlilimos ng atensyon sa manhid kong boyfriend.
Dahil sa rami ng overthinking, tampuhan, at sakit sa damdamin dahil sa mga away namin, naisip kong burahin na lang ang Facebook ko at lahat ng social media account ko.
Parang gusto kong mawala sa ingay ng mundo, sa comment ng mga tao, at magsimula ulit ng tahimik. Hindi ko alam kung tama bang lumayo muna o baka tumatakbo lang ako sa mga problema namin ng boyfriend ko. Ano ba ang dapat kong gawin?
Konie
Dear Konie,
Hindi naman nawawala sa relasyon ang mga samu’t saring awayan, kaya hindi maiiwasan na napapagod din sa mga tampuhan. Dahil may limitasyon din ang puso, lalo na kung matagal na itong humihingi ng kapayapaan kaysa kiligin na lang.
Kung ang social media ay naging daan para lalo kang mag-overthink, o umasa sa mga bagay na hindi nagbibigay sa iyo ng kapanatagan, walang masama na mag-time out muna sa socmed.
Hindi lahat ng pagkawala ay pagtakas; minsan, ito ay paraan para marinig mo ulit ang sarili mong boses. Pero daan din ito ng tunay na kapayapaan.
Ang taong tunay na nagmamahal ay hindi lang nagbibigay ng saya kapag maayos ang lahat, kundi binibigyan ka rin niya ng seguridad kapag magulo na ang iyong isipan.
Minsan, ang pinakamagandang “status update” ay hindi sa Facebook naka-post. Bagkus nasa sa puso para makakawala sa magulong relasyon.
Dr. Love
- Latest

















