60,000 estudyante target sa milk feeding program
YorMilk 2.0 inilunsad sa Maynila
MANILA, Philippines — Pormal na inilunsad ni Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang YorMilk 2.0: Kaagapay ng Batang Maynila sa Paglaki sa Dr. Alejandro Albert Elementary School sa Sampaloc nitong Lunes, Hunyo 29.
Ayon kay Domagoso, mula sa mahigit 21,000 benepisyaryo nasa 60,000 mag-aaral ang makikinabang na tugon sa suliranin ng malnutrisyon at stunting sa bansa. Aniya, batay sa datos ng Department of Health, nananatiling mataas ang bilang ng mga batang may stunting, kabilang ang mga nasa Maynila, kaya kinakailangang palakasin ang mga programang pangkalusugan at nutrisyon.
Sinabi rin ng alkalde na titiyakin ng YorMilk 2.0 ang tuluy-tuloy na pagbibigay ng gatas sa mga bata mula daycare, kindergarten hanggang Grade 1. Dagdag pa niya, direktang binibili ng pamahalaang lungsod ang gatas mula sa mga lokal na dairy farmer upang makatulong sa kanilang kabuhayan habang sinusuportahan ang nutrisyon ng mga mag-aaral.
Samantala, sinabi ni National Dairy Authority (NDA) Administrator Atty. Marcus Antonius T. Andaya na patunay ng tagumpay ng unang programa ang pagtaas ng bilang ng mga benepisyaryo mula 21,000 tungo sa 60,000. Aniya,malaking tulong ang programa sa mga lokal na dairy farmer na dati’y nahihirapang maibenta ang kanilang gatas kapag natatapos ang mga feeding program ng pamahalaan. Tinupad ni Domagoso ang pangakong bibilhin ng lungsod ang kanilang gatas at ipamamahagi ito sa mga batang mag-aaral sa Maynila.
- Latest
















