^

Dr. Love

Nasirang reputasyon

Pilipino Star Ngayon

Dear Dr. Love,

Ako po si Carlo Magno, (hindi ko tunay na pangalan)  may asawa at apat na anak. Sa aming komunidad, nabigyan kami ng award ng aming parish church na model family dahil sa mabuting pagpapalaki na­ming mag-asawa sa aming mga anak na ang dalawa ay pareho nang professionals habang ang dalawa ay nagtatapos pa ng kurso sa college.

Kaming mag-asawa ay mayroon ding pagkilala mula sa aming parish church bilang model couple dahil sa kabila ng halos 30 taon naming pagsasama ay  matatag pa rin ang aming relasyon. Walang nakakaalam na may itinatago akong madilim na sikreto. Mayroon akong babae at anak sa labas. Sinusustentuhan ko ang aking anak sa ibang babae ngunit wala na kaming ugnayan ng ina nito dahil matagal ko nang pinagsisihan ang aking kasalanan. Hindi ito batid ng sarili kong pamilya.

Pero nagkataong nakilala ng aking anak na babae ang nag-aaral kong anak sa labas sa isang pagtitipon. Pareho sila ng edad. Dahil magkatulad sila ng apelyido, nagkausisaan sila hanggang malaman na iisa pala ang kanilang ama at ‘yun ay ako. 

Galit na galit ang aking anak at nagsumbong sa kanyang ina kaya nagkaroon ng family feud sa aming tahanan, bagay na hindi dapat mangyari sa isang modelong pamilyang naturingan.  Narinig pala ng kasambahay namin ang aming pagtatalo kaya agad naitsismis sa mga kapitbahay. Hiyang-hiya ako tuwing lalabas ng tahanan. Pakiramdam ko’y nawasak bigla ang aking magandang reputasyon. Kaming mag-asawa ay hindi na magkasundo dahil lagi akong sinusumbatan ng aking asawa at mga anak.

Pagpayuhan mo ako, Dr. love.

Carlo Magno

Dear Carlo Magno,

Ipaunawa mo sa iyong misis at mga anak na ang nangyari‘y isang bahagi ng iyong nakaraan na pinagsisihan mo na at ang mahalaga ay ang pagbabago mo na naging dahilan para tanghalin kayong model couple at model family. Wala namang taong perpekto at ang higit na importante ay ituwid ang pagkakamali sa sandaling natanto mo ito, bagay na iyong ginawa.

Manikluhod ka sa iyong asawa at hingin ang kanyang kapatawaran pati na ng inyong mga anak. Sariwa pa lang ang sugat ngayon kaya marahil hindi pa sila handa na ikaw ay unawain. Ngunit naniniwala ako na sa kalaunan ay mauunawaan nila ang sirkumtansyang naganap sa buhay mo at patatawarin ka rin nila. Higit itong mahalaga kaysa sa sasabihin ng iyong kapitbahay.

Dr. Love

vuukle comment

REPUTASYON

Philstar
x
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with