Ipinagpalit na sa iba

Dear Dr. Love,
Napilitan akong iwanan ang boyfriend ko para sundin ang papa ko. Mahal na mahal ko siya pero hindi ko kayang balewalain ang aking ama, na wala naman hinangad kundi ang mapabuti ako. Gusto ni papa na mag-aral ako sa Amerika.
Hindi naging madali ang mga huling araw na magkasama kami ni George hanggang sa ihatid niya ako sa airport. Ramdam ko ang matinding kalungkutan niya, lalo na nang pumatak ang mga luha niya sa balikat ko. Nang mga oras na ‘yun inisip ko na lang na para sa future namin ang pansamantalang pagkakalayo namin sa isa’t isa.
Noong mga unang buwan, halos araw-araw ay tinatawagan niya ako. Bukod pa rito ang mga ipinapadala niyang airmail. Mas gusto niya ‘yun kaysa email, para raw talagang sulat kamay niya at talagang pinag-isipan ng husto.
Pero unti-unti ay dumalang na ang aming komunikasyon. Napansin ko na lang din na hindi ko na mahagilap ang account niya sa facebook. Hanggang tuluyan na kaming hindi nakakapag-usap.
Ang huli niyang message sa akin, kung talagang mahal ko raw siya ay umuwi na ako. Tapos nun, wala na. Nag-aaral po ako sa Amerika kaya hindi ko magagawa ang gusto niyang mangyari.
Nang sumunod na buwan isang kaibigan ang nagbalita sa akin na makailang ulit niyang nakita si George na may ka-date na ibang babae. Hindi raw niyang magawang batiin dahil baka magulat.
Para makumpirma ang bagay na ito ay umuwi ako sa ‘Pinas. Siguro nahalata na ni papa na hindi na ako mapakali kaya pinayagan na rin niya ako. Nagpunta ako sa bahay nila George, nagkita naman kami at tiyempo na wala roon ang girlfriend niya, hindi ako sigurado.
Hindi ko naman siya kinakitaan nang pagkabigla nang makita niya ako. At hindi siya nag-alangan na aminin sa akin na may iba na siya. Ako ang sinisisi niya dahil iniwan ko siya.
Dr. Love, mahal na mahal ko si George. Hindi ko kayang mawala siya nang tuluyan sa akin. Tulungan po ninyo ako kung paano ko siya mapapabalik sa akin.
Maraming salamat and still hoping.
Lourdes
Dear Lourdes,
Masakit talaga ang iwanan ng isang minamahal. Nang matuloy ka sa Amerika, marahil ginusto na rin kumawala ni George sa sakit ng kalooban at ang naging paraan niya ay hanapin ang pangungulila sa iba. Hindi mo siya masisisi. Pero sa palagay ko kung tunay ang pagmamahal niya sa iyo at magagawa mong patunayang muli ito sa kanya, may pag-asa pa na magkabalikan kayo.
Pero pag-aralan mo muna ng mabuti. Kung nakahanda ka sa maaaring maging kompromiso kung magkakabalikan kayo. Halimbawa na ang posibleng pagka-antala ng pag-aaral mo. Kung hindi mo ito magagawa, makakabuti na palayain mo na lang siya at hayaang hanapin ang atensiyon sa iba.
Dr. Love
- Latest


















