Biktima ng pag-ibig
Dear Dr. Love,
Ang akala ko, mananatili na lang akong isang tagasubaybay ng malaganap ninyong column. Nagkamali pala ako. Ako man pala ay makakaranas ng mapait na karanasan sa pag-ibig at susulat din pala ako para humingi ng mahalaga mong payo.
Tawagin mo na lang akong “Miss Victim of Love”. Ako po ay 53 years-old, ang boyfriend ko naman ay 55 years-old. Ang pangalan niya ay Ernesto at isang forklift operator sa Jeddah. Kami ay kapwa naninirahan sa dalampasigan ng Laguna de Bay.
Nagkatagpo kami dito sa Pilipinas noong 2002. Nabatid kong mayroon siyang limang anak at hiwalay siya sa kanyang live-in partner sa nakalipas na 14 taon.
Nagkakilala kami nang makipagdala sa kanya ng package ang bestfriend ko. Ang pangako niya sa akin, ihahanap daw niya ako ng penpal. Pero nang magbalik na siya sa Saudi, nagpahiwatig siya na mayroon siyang gusto sa akin.
Na-develop ang aming damdamin sa isa’t isa at naging magkasintahan kami noong 2003. Pero bago ko siya sinagot, tiniyak ko muna kung puwede niya akong pakasalan. Ang sagot niya, “kahit sa alinmang simbahan dahil hindi naman siya kasal sa nagtaksil niyang asawa.”
Nagpatuloy ang aming pagsusulatan. Nagpapalitan kami ng pagpapadala ng mga larawan. Nagte-text kami sa isa’t isa.
Ang hindi ko malilimutang text niya sa akin noong 2004, kahit daw anong pagsubok ang dumating sa aming relasyon ay mananatili pa ba raw ang pag-ibig ko sa kanya? Sinagot ko naman na ipaglalaban ko ang pagmamahalan namin anumang unos ang dumating. Hindi kasi sang-ayon ang ina ko sa pakikipagmabutihan ko sa kanya.
Noong taon ding yaon, buwan ng Pebrero, sinabi niya sa akin na kung tapos na ang kanyang kontrata, uuwi na siya para matupad na ang pangako niya sa akin.
Nagpatuloy ang aming relasyon hanggang 2007 at noong buwan ng Setyembre, nasabi niya sa akin na gusto na niyang mawalan ng pag-asa sa buhay. Kahit anong gawin niya para kumita nang malaki, wala pa ring mangyari para mabigyan niya ng ginhawa ang mga anak niya.
Nagsimula siyang hindi na mag-text at tumawag noong Oktubre 2007. Pero patuloy pa rin ang pakikipagko munikasyon ko sa kanya kahit hindi niya ako sinasagot.
Noong Oktubre 2008, nabalitaan ko na lang na mayroon na siyang ibang kinakasama na nandoon din sa Jeddah. Ang babaeng ito ay taga-Sta. Rosa.
Hindi pa rin ako tumigil sa pagte-text sa kanya. At dito siya tumugon na dapat ko na raw siyang kamuhian.
Parang pinasakuban ako ng langit at lupa. Halos masiraan ako ng isip.
Ang sakit-sakit talaga ng ginawa niya sa akin. Pagkaraang maghintay ng anim na taon, ganito lang pala ang gagawin niya sa akin. Nagtiwala pa naman ako sa mga pangako niya.
Nagsikap akong makipagkomunikasyon uli sa kanya pero nanatili siyang bingi at pipi sa mga tawag ko.
Sana po, mabasa niya ang liham kong ito. Pinasasalamatan ko siya sa pag-ibig niyang ibinigay sa akin at hindi ko siya kalilimutan kailanman. Birthday niya noong Pebrero 10.
Maraming salamat po at sana ang karanasan kong ito ay hindi danasin ng ibang kabaro ko.
Respectfully yours,
Miss Victim of Love
Dear Miss Victim of Love,
Sa pag-ibig, laging walang katiyakan na ang lahat na pangako ay matutupad, lalo na at magkalayo kayo sa isas’t isa. Ang isa pang dahilan, mayroon siyang mga anak na binibigyan ng prayoridad ng kanyang atensiyon ang kanilang kinabukasan.
Wala na kasi ang ina ng mga bata, lima pa ang mga ito kung kaya’t ang pangakong kasal ay maisasantabi nga. Higit sa lahat, nakakita siya ng isang babae na gumagamot ng kanyang pangungulila.
Maaaring ang babaeng ito ay hindi nangangailangan ng kasal at pansamantala lang ang kanilang relasyon.
Magkalayo kayo, mahina ang laman sa tukso kung kaya’t ano pa nga ba ang maaasahan mo kundi humingi siya ng kalayaan?
Maliwanag niyang sinabi sa iyo na hindi niya kayang isakripisyo ang kaligayahan at kinabukasan ng kanyang mga anak. Pahapyaw lang pero matunog ang mensaheng ito sa pagkakasulat mo.
Bagaman matagal ang ipinaghintay mo, naniwala ka sa kanyang pangako dahil marahil, ang akala mo, ang lahat na tao ay tulad mong may palabra de honor at may isang pangako. Masakit mang sabihin, kalimutan mo na siya. Ikaw lang ang malulugi niyan kung patuloy mo pa siyang hihintayin at aasahang magbabalik pa siya sa iyo.
Dr. Love
- Latest
- Trending














