Hindi marunong manligaw
Dear Dr. Love,
Happy New Year po!
Sana po, naging masaya ang selebrasyon ninyo ng Pasko at Bagong Taon. Ako po? Okay lang. Dumaraan at lumilipas ang Pasko at Bagong Taon pero heto ako, naghihintay pa rin sa wala.
Ang Prince Charming na hinihintay kong magtapat sa akin ng pag-ibig ay dungo pa rin. Parang naiinip na ako sa kahihintay sa kanya. Paano ko kaya masasabi sa kanya na mahal ko siya nang hindi lalabas na ako pa ang nagbigay sa kanya ng insinuation?
Ang hirap po talagang maging babae. Lalo na kung ang gusto mong lalaki ay hindi marunong manligaw.
Alam po ninyo, matagal ko nang gustong sumulat sa pitak ninyo, pero lagi akong nauunahan ng hiya. Hindi ko rin alam kung ang ginagawa kong ito ay tama o mali. Ang nais ko lang po ay matawagan ng pansin ang lalaking lihim kong minamahal.
Noong una po, crush ko lang siya. Classmate ko kasi siya. Pero sa tinagal-tagal naming magkakilala at magkabarkada, na-develop ang feelings ko sa kanya.
Hindi na lang crush ang nararamdaman ko para sa kanya. Head over heels in love na ako sa guy na ito.
Noong unang makasama namin siya sa barkada, mayroon siyang girlfriend. Pero ang sabi niya noon sa akin, hindi naman niya talaga love ang babaeng ito. Kung baga, itinulak lang daw siya ng isa niyang kaibigan para ligawan ang babaeng iyon.
Kalaunan, sinabi niya sa akin na wala na silang dalawa at ang talagang type niya ay ako.
Sinubukan ko minsan na sabihin sa kanya ang niloloob ko, parang pabiro lang. Tinutulungan pa nga ako ng common friends naming para ligawan niya ako. Wala pa rin hanggang ngayon. Dungo yata talaga. O hindi kaya, wala naman siya talagang gusto sa akin?
Pilit kong inaalam kung ano ang problema. Wala akong makita. May hitsura naman ako. Mabait naman ako at may kaya pa sa buhay.
Ano pa kaya ang kanyang gugustuhin?
Tulungan mo po ako. Dapat ko na ba siyang kalimutan lalo na at sa ngayon, tila lumalayo siya sa akin? Nahihirapan na po talaga ako.
Salamat po at sana, lalo pang umunlad ang pitak ninyong ito.
Sincerely,
Bb. Desperado
Dear Bb. Desperado,
Malaki nga ang iyong problema dahil ang guy na gusto mong manligaw sa iyo ay tila hindi naman seryoso na ligawan ka.
Gaya nang nararamdaman mo, makabubuting maghanap ka na ng ibang guy na magbibigay sa iyo ng atensiyon.
Baka sakaling kung sa iba na mabaling ang pansin mo, siya naman ang maghahabol sa iyo.
Malimit, mayroong kalalakihan na ayaw na ang babae ang siyang mismong gumagawa ng hakbang para magpahiwatig ng damdamin.
Mayroong lalaki na gustong mayroon siyang “challenge” na nakikita.
Huwag mo nang idikit ang iyong sarili sa kanya. Baka naiilang siya sa ganyang istratehiya.
Kung talagang liligawan ka niya, liligaw siya nang hindi kailangang magbigay ka pa ng unang motibo.
Hayaan mo siyang maghabol sa tambol mayor. Baka sakaling magising kung mayroon ka ng ibang binibigyan ng pansin.
Dr. Love
- Latest
- Trending















