Trauma sa pag-ibig
Dear Dr. Love,
Mainit na pagbati sa iyo! Una sa lahat, bayaan mong i-congratulate kita sa pagkakaroon ng magandang kolum na nakatutulong sa maraming kalalakihan at kababaihang may problema sa pag-ibig. Isa na ako riyan.
Ikubli mo na lang ako sa pangalang “Landski”, hiwalay sa aking misis sa loob ng tatlong taon. Labis kong dinamdam ang kataksilan sa akin ng asawa ko. Sumama siya sa ibang lalaki tangay pa ang nag-iisa naming anak na babae.
Durug na durog ang puso ko sa mga pagkakataong yun at gusto ko nang tapusin ang aking buhay. Buong pamilya ko’y nawala sa isang iglap.
Gusto ko mang idemanda ng adultery ang misis ko ay hindi ko magawa dahil sa kahirapan. Kargador lang ako sa palengke.
Isa pa, may nakapagsabi sa akin na hindi ko puwedeng ihabla ang misis ko dahil hindi naman kami kasal.
Treinta’y dos anyos lang ako ngayon at naghahanap pa ng pagmamahal. Hanggang matagpuan ko si Marisa. Bagong katulong daw siya ng isang laging namimili sa palengke.
Nagkagustuhan kami at palaging nagdi-date. Hanggang sa magbuntis siya kaya napilitan siyang umalis sa kanyang pinapasukan. Nagsasama kami ngayon at malapit na siyang magsilang.
Ang problema ko’y lagi akong nangangamba na baka maulit ang kapalaran ko. Hindi ako makatulog at sobrang naging seloso ako. Madalas kaming nag-aaway. Dahil sa pagkaseloso ko kasi ay ayokong nakikita siyang may kausap na ibang lalaki.
Tulungan mo po ako, Dr. Love.
Landski
Dear Landski,
Siguro may trauma ka pa sa ginawa ng una mong kinasama kaya ka nagkakaganyan. Ang masasabi ko lang ay ito. Ang pagseselos nang wala sa lugar ay higit na masama sa isang relasyon.
Kaya mahalaga sa pagsasama ang tiwala sa isa’t isa. Ipakita mo ang ibayong pagmamahal sa kanya para hindi ka niya pagtaksilan.
Higit sa lahat, ang kasal ay importante sa isang relasyon para hindi kayo namumuhay sa pagkakasala. Hindi ka naman kasal sa una mong asawa kaya walang hadlang kung pakakasalan mo ang iyong kasintahan.
Dr. Love
- Latest
- Trending



















