2 kelot nag-‘trigger happy’ sa Caloocan, arestado
Ginang binitbit sa obstruction of justice
MANILA, Philippines — Arestado ang dalawang lalaki matapos umanong walang habas na magpaputok ng baril at makuhanan ng mga armas at hinihinalang shabu, habang kalaboso rin ang misis ng isa sa kanila matapos umanong humarang sa pag-aresto sa mga suspek nitong Miyerkules ng umaga.
Nahaharap sa mga kasong paglabag sa Section 28 ng Republic Act 10591 at Section 11, Article II ng RA 9165 si alyas “Rolly,” 51, negosyante; paglabag sa RA 11926 o Indiscriminate Discharge of Firearms at Section 28 ng RA 10591 si alyas “Manny”, 55, habang kinasuhan naman ng obstruction of justice sa ilalim ng PD 1829 si alyas “May”, 41.
Ayon sa ulat, nagsasagawa ng foot patrol sina PMSg Aldrine G. Simeon at Pat Efril Boy Hipol ng Sub-Station 6 ng Caloocan City Police nang makatanggap ng sumbong hinggil sa nagpapaputok ng baril sa Del Rey, Barangay 163. Agad silang nagtungo sa lugar at naabutang may hawak na baril sina Rolly at Manny.
Nang sitahin ng mga pulis, nagtangka umanong tumakas ang dalawa ngunit agad silang napigilan. Nakuha kay Manny ang isang caliber .45 pistol, isang basyo at apat na bala, habang nakumpiska naman kay Rolly ang isang caliber .9mm pistol, limang bala at apat na transparent sachet na naglalaman umano ng tinatayang 400 gramo ng shabu.
Isinailalim din sa kustodiya ng pulisya si May matapos umano nitong harangan at pigilan ang mga awtoridad sa pag-aresto sa dalawang lalaki. Nakumpiska rin ng mga pulis ang SUV na ginamit ng mga suspek.
- Latest
















