Himala: Nailigtas sa rumaragasang baha (Part 1)
NANGYARI ito noong ako ay siyam na taong gulang at nasa Grade 3 sa isang pampublikong eskuwelahan sa aming probinsiya. Humigit-kumulang, nasa dalawang kilometro ang layo ng aming school mula sa bahay. Nilalakad ko lamang iyon dahil wala namang sasakyan ng mga panahong iyon. Wala pa ring kalsada.
Bago makarating sa school ay kailangang tumawid sa sapa na ang nagsisilbing tulay ay apat na pirasong puno ng kawayan.
Bagama’t maliit lamang ang sapa, delikado rin kapag panahon ng tag-ulan dahil umaapaw ito. Delikado rin na dumaan sa tulay na kawayan dahil madulas. Kapag nagkamali ng tapak ay maaring mahulog sa tubig. May kalaliman ang sapa at malakas ang agos.
Sa umaga, marami akong kasabay sa pagpasok sa school kaya hindi ako natatakot tumulay kahit pa lumaki ang tubig sa sapa.
Sa tanghali paglabas sa school ay marami rin akong kasabay sa pag-uwi.
Pero isang tanghali, mag-isa na lamang akong umuwi dahil kinatulong ako ng aking guro para mag-ayos ng mga libro. Dalawa kaming pinakiusapan ng aming guro na tulungan siya.
Eksaktong natapos ang aming pag-aayos ng mga gamit ay biglang bumuhos ang malakas na ulan.
Nang tumigil ang ulan, nagpaalam na agad ako sa aking guro. Kasabay kong umalis ang aking kaklase. Malapit lang sa school ang bahay ng aking kaklase. Hindi siya tatawid ng sapa. (Itutuloy)
- Latest















