VP Sara trial magiging ‘pulutan’ sa bawat kanto

MANILA, Philippines — Ngayon pa lamang ay nakikita na ni Deputy Speaker at La Union 1st District Rep. Paolo Ortega V na magiging “pulutan” sa bawat kanto ng bansa ang nakatakdang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Senate impeachment court.
Ayon kay Ortega, ang paglilitis ay tiyak na gigising sa interes ng publiko, lalo na kapag naiharap na ang mga ebidensya. Aniya, susuriin ng mga Pilipino ang kredibilidad ng magkabilang panig, kaya’t inaasahang magiging mainit na usapan ito sa buong bansa.
“Kumbaga, mabubuhay po ‘yung usapan ng impeachment trial, magiging pulutan po ’yan sa bawat kanto ng Pilipinas. Magkakaroon ng awareness, makikita ang katotohanan, makikita ang mga latag ng ebidensya,” ani Ortega.
Binigyang-diin pa ng kongresista na ang proseso ng paglilitis ay magsisilbing pagsubok sa mga ebidensya laban kay VP Duterte. Magbibigay rin ito ng pagkakataon sa publiko na masilip ang galaw ng mga senator-judges, prosekusyon, depensa, at maging ng Presiding Officer ng impeachment court.
Dagdag pa niya, maraming tanong at pag-aalinlangan ang bumabalot sa proseso ng impeachment. Ang mga agam-agam na ito ay mawawala lamang kung sisimulan na ang paglilitis at hayaang masaksihan mismo ng publiko ang buong proseso.
- Latest


























