Sara trial posibleng abutin hanggang Setyembre
MANILA, Philippines — Maaaring abutin umano hanggang katapusan ng Setyembre ang gagawing paglilitis sa Senate impeachment court laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito ang sinabi ni lead prosecutor at Batangas 2nd District Rep. Gerville Luistro matapos naman magharap ang prosecution at defense panels sa pre-trial brief sa impeachment laban kay VP Sara.
Inihayag ni Luistro na hindi rin dapat aniyang gawing isyu ang bilang ng mga Senador na boboto para mahatulan si VP Sara para makasagabal o makaantala sa paggulong ng impeachment laban dito.
Ginawa ni Luistro ang pahayag sa gitna na rin ng mga agam-agam na kulang umano ang bilang ng mga Senador na boboto para ituloy pa ang paglilitis.
Iginiit naman ni Luistro na kritikal lamang ito kapag maggagawad na ng hatol ang mga senator judges.
Ang tinutukoy ng Luistro, isang abogado ay ang patuloy na debate sa konstitusyonal na rekisitos sa 2/3 na boto ng senator-judges para ma-convict ang nililitis o ibase lamang ito sa membership ng Senado sa mga Senador na sasali sa proseso.
Inihayag ni Luistro, Chairperson ng House Committee on Justice na ang isyu patungkol sa pamamaraan ng Senado ay nasa konstitusyonal na kapangyarihan na ng mga Senador para pamahalaan ang kanilang panloob na gawain.
- Latest















