VP Sara dinedma ang pre-trial conference
MANILA, Philippines — Ikinadismaya ng mga spokesperson ng House prosecution panel ang hindi pagdalo kahapon ni Vice President Sara Duterte sa isinagawang pre-trial conference para sa kanyang impeachment trial.
Ayon kina Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong at Kabataan party-list Rep. Renee Co, parang taliwas ang hindi pagpunta ni Duterte sa naunang sinabi ng kampo nito na handa silang harapin ang mga alegasyon sa tamang forum.
Ayon kay Co, umaasa ang publiko na haharap si Duterte sa pre-trial conference gayundin sa aktwal na paglilitis.
“Bakit po? Ito po’y dahil ilang taon na pong hindi nasasagot ‘yung mga tanong ng taong bayan. And any further evasion is going to be another day, another week, another year of denial of justice. Ayaw na natin ng ganoon,” sabi ni Co.
Ayon kay Adiong, ang personal na pagharap ni Duterte ay magpapakita ng kahandaan nito na direktang harapin ang mga alegasyon laban sa kanya.
Sinabi ni Adiong na dati nang sinabi ni Duterte na haharapin nito ang mga alegasyon sa kanya sa tamang forum.
“This is the direct opposite of what we have heard in the previous months, that she will appear in the proper forum, which now is the impeachment court,” sabi ni Adiong.
Sinimulan na ng Senate impeachment court ang pre-trial proceedings nitong Huwebes, at inaasahan na magpapatuloy ito bago ang aktwal na paglilitis sa Hulyo 6.
- Latest















